1 - Kaya, mga banal na kapatid, mga may bahagi sa pagtawag ng kalangitan, inyong isipin ang Apostol at Dakilang Saserdote na ating kinikilala, si Jesus;
2 - Na siya'y tapat sa naglagay sa kaniya na gaya rin naman ni Moises sa buong sangbahayan niya.
3 - Sapagka't siya ay inaring may karapatan sa lalong kaluwalhatian kay sa kay Moises, palibhasa'y may lalong karangalan kay sa bahay yaong nagtayo ng bahay.
4 - Sapagka't ang bawa't bahay ay may nagtayo; datapuwa't ang nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Dios.
5 - At sa katotohanang si Moises ay tapat sa buong sangbahayan niya gaya ng lingkod, na pinakapatotoo sa mga bagay na sasabihin pagkatapos;
6 - Datapuwa't si Cristo, gaya ng anak ay puno sa bahay niya; na ang bahay niya ay tayo, kung ating ingatang matibay ang ating pagkakatiwala at pagmamapuri sa pagasa natin hanggang sa katapusan.
7 - Gaya nga ng sabi ng Espiritu Santo, Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig,
8 - Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa pamumungkahi, Gaya nang sa araw ng pagtukso sa ilang,
9 - Na doon ako tinukso ng inyong mga magulang sa pagsubok sa akin, At apat na pung taon na nangakita ang aking mga gawa.
10 - Dahil dito'y nagalit ako sa lahing ito, At aking sinabi, Laging sila'y nangagkakamali sa kanilang puso: Nguni't hindi nila nangakilala ang aking mga daan;
11 - Ano pa't aking isinumpa sa aking kagalitan, Sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan.
12 - Magsipagingat kayo, mga kapatid, baka sakaling mayroon sa kanino man sa inyo ng isang pusong masama na walang pananampalataya, na naghihiwalay sa inyo sa Dios na buhay:
13 - Nguni't kayo'y mangagpangaralan sa isa't isa araw-araw, samantalang sinasabi, Ngayon; baka papagmatigasin ang sinoman sa inyo ng daya ng kasalanan:
14 - Sapagka't tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo, kung ating iniingatang matibay ang pasimula ng ating pagkakatiwala hanggang sa katapusan:
15 - Samantalang sinasabi, Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa pamumungkahi.
16 - Sapagka't sino-sino, na pagkarinig ay namungkahi? nguni't, hindi baga yaong lahat na nagsialis sa Egipto sa pamamagitan ni Moises?
17 - At sino-sino ang kinagalitan niyang apat na pung taon? hindi baga yaong nangagkasala, na ang kanilang mga katawan ay nangabuwal sa ilang?
18 - At sa kani-kanino isinumpa niyang hindi makapapasok sa kaniyang kapahingahan, kundi yaong mga nagsisuway?
19 - At nakikita natin na sila'y hindi nangakapasok dahil sa kawalan ng pananampalataya.